Walang pinag-iba sa isang job interview ang interogasyon. Para kang pinagfill-out ng bio-data at iniisa-isa sa iyo ang mga impormasyong nakasulat. Pagkakakilanlang personal muna. Pati anak sa labas ng tatay mo, kung meron, ay itatanong. Kulang na lang ay uriratin kung saan ka naliligo at anong pwesto mo kapag natutulog. Sunod ay ang mga karanasan sa trabaho. Mga pinaglingkuran o sinalihang organisasyon. Ang giit nila rito’y “O, sa revolutionary background mo naman tayo”. Ang hassle sa interview na ito ay wala kang correct answer. Pag hindi nila kursunada ang sagot mo, mabilis ang reaksyong nagsisinungaling daw ako o kaya’y mas maagap ang kumbinasyon ng suntok-kutos-tadyak at pagdalirot ng dulo ng baril kung saan yun nakatutok. Parang ganito. “Gaano ka na katagal sa bundok?” “Matagal-tagal na rin, ho.” “Anong ginagawa mo run? Nagte-treyning? Di ba mahirap ang mag-akyat-manaog sa bundok?” “Hindi ho. Marami hong jeep. May aircon bus rin hong paakyat sa Tagaytay.” “Niloloko mo ba ako?!” “Hindi ho. Bundok ho talaga ang Tagaytay. 500 to 700 meters above sea level ho yun.” Diin ng dulo ng baril sa batok. Kutos. Eto pa. “Kelan ka narekrut sa Partido?” “Sa Partido Anakpawis ho, e 2003. Pero, dati rin ho akong member ng Bayan Muna Partylist.” “Gago! Sa Partido Komunista!” Sikwat ng dulo ng baril sa tagiliran. Tadyak. Muntik na akong mahulog sa silya. Di naglaon may dumating na bagong boses. Mas umaalingasaw ang amoy-alak. Talagang nanghihiram lang ng tapang at lakas-loob sa bote! O sa marka-demonyo. Ika n’ya ay kung di pa raw ba tapos. Sabi na nga raw ba niya’t sya dapat ang magha-handle sa akin. Ganito naman ang daloy ng interogasyon. Sa “AOR n’yo, san nanggagaling ang revolutionary tax n’yo? Sa mga Meyor, di ba? Pati sa Kongresman, ano? Binubuwisan nyo pati ang mga pari at madre, di ba? Saan ka ba umiikot? Nakikita ka namin sa mga simbahan.” Ang sasabihin ko sana’y tanong nya’y sagot nya. Pero pag-imik ko’y, “Hindi ho yun revolutionary tax. Solicitation at donation lang ho.” “Magkano ang nakukuha nyo?” “Pang-arkila lang ho ng jeep sa rally. Minsa’y pamasahe at pangsigarilyo lang ho.” Siguro’y lumingon ang interogador sa katabi niya saka sinabing ang ilagay daw ay sampung libo kada Mayor kada buwan. Tapos tinanong ako kung sino raw ang mga Mayor at politiko sa probinsya. E, di inilitanya ko ang lahat ng Mayor sa dalawampu’t tatlong bayan sa probinsya namin. “Lahat sila, binubuwisan nyo?” “Hindi ho, kanyo’y sinong mga Meyor sa amin.” Dinibdiban ako. “Sa mga madre, sino-sino? Maraming kumbento sa Tagaytay, a.” “Si Sr. Mary ho. Sr. Veronica. Sr. Bridgette...” Lahat ng alam kong ngalan ng santa, inisa-isa ko. “Anong kongregeysyon ng mga yun?” “Ahmmm... Sisters of Mercy, ho. Tsaka Lords of the New Church. Jesus and the Mary Chain pa, ho...” Malas ko lang kapag paborito rin nilang gothic at new wave band ang mga sinabi ko. Hindi ko na itinulak na sabihin pa ang Parokya ni Edgar. Bukod sa hindi ko sila kursunada ay halatang-halata rin na nagkakalokohan na. “May nakuha kaming laptap sa kotse nyo. Sa’yo ba yun? Puro subersib payl ang laman nun, ano?” “Hindi ho subersibo si Dan Brown.” “E yung plas drayb at empitri pleyer? Ilegal ang laman nun, ano? “Legal ho si Mick Jagger at Jamiroquai. Pati si John Lennon. Pwede nyo naman hong pakinggan.” “Tarantado!” Kutos. “Niloloko na kayo ng tserman n’yo...” Dalirot ng baril sa batok. “...habang nagpapasarap sa ibang bansa...” Tadyak sa hita. “...nakakapamilosopo ka pa!” Tadyak ulit. “Nagpapakahirap kayo sa bundok ang lider n’yo buhay-hari!” Kahit nakangiwi sabi ko ay, “Hindi ho. Wala ho sa abroad ang chairman namin. Andun ho sa Cavite. Malamang, e, namimitas ng kape. Ibibigay ko ang address kung gusto n’yong puntahan.” Parang lulusot ang dulo ng baril sa batok ko. “Anong mga pag-aaral ang natapos mo?” “B.S. Agriculture ho, ako. Major in Horticulture.” “Sa kilusan! Ang putang inang ito!” Tuluyan na akong nahulog sa silya. Pero hindi ako umaaray. Kahit daing. Ngiwi lang. Siguro kahit mabuhay noong oras na iyon si Amorsolo, hindi kakayaning ipinta ang mukha ko. Mahaba pa ang itinagal ng interogasyon. Pinili ko na muna ang pinakamatipid na sagot, iling at tango. At ang pinakaligtas na tugon, oho at hindi ko ho alam. Sa tuwing tataas ang boses ng interogador para na rin syang nag-go signal na barilin ako. Pero kapag pinagkakasahan na ako ng baril at iduduldol ang dulo nito sa ulo ko ay para na akong namatay. Paulit-ulit na lamang ang mga tanong. Paikot-ikot na rin lamang ang ulo ko sa kaiiling at katatango. Hindi ko alam kung pinagtatawanan na nila ako, pero ang tiyak ay nabubwisit na sila sa akin. Lalo na siguro nung mapikon ako at nasabi kong. “Kayo na ho ang maglagay diyan ng gusto ninyong sagot ko para magkatapos na ho tayo.” Hanggang sa mapunta ang usapan sa kung ano pa raw ang pinagkakaabalahan ko bukod sa pag-e-NPA. Ika ko sa di mabilang na pagkakataon ay hindi ako NPA. Aktibista ako. Non-combatant. Sa kawalan na rin ng masasabi, ewan ba kung bakit naungkat ko rin na writer ako. Ano raw klaseng writer. Kako’y nagsusulat ako ng tula. Tulaan ko raw sila. Patay na. Wala akong kabisadong tula. Maski na raw ano basta’t tumula raw ako. E di pagbigyan. Kahit on-the-spot. Mamamatay na rin lang, di ko pa ba susulitin. Sa dulo ng tula: “Ay, kamatayan! O, kamatayang anong tamis! Ihimlay mo sa piling ng mga gahis, Sa ritmo at awit ng putok ng mga baril At sa ngalit ng ganti ng tugmaan kong matatabil!” Tumighim ako at nagsabing tapos na ang aking tula. Tumahimik saglit. Ang interogador ang umimik. “Hep! Walang papalakpak! Okey, a. Magaling! Pero titiyakin ko sa iyong iyan na ang huling tula mo.” Mamamatay na nga ako. Pagtitiyak ko sa isip ko.