LORENZO B. PAREDES ANG MAKATANG EDUKADOR (2) ANG EDUKASYON AT ANG SINING
LORENZO B. PAREDES
ANG MAKATANG EDUKADOR (2)
ANG EDUKASYON AT ANG SINING
PAGKASILANG NI Dr. Paredes, tinangay siya ng mabilis na pagbabago sa kasaysayan ng Pilipinas. Hindi na niya naranasan ang mga hilahil na dulot ng paghihimagsik na agraryo ni Luis Parang, na lumao’y binansagang tulisan ng mga otoridad na Kastila. Ang pagkabuo ng mga Katipunerong Magdalo at Magdiwang sa Kawit at Noveleta; at pagbangon ng Imus at ang pagiging larangan nito sa labanan ng mga Pilipino-Kastila. Maging ang mga kaguluhang dulot ng paglaban ng mga Pilipino sa nanakop na mga Amerikano ay hinagap na lamang kay Dr. Paredes. Ang nasapol niya’y ang benepisyo sa taungbayan ng pagsuko ni Hen. Aguinaldo, ang tagumpay ng kampanya ng Pasipakasyon at ang pagtanggap ng mga ilustrado sa pamamahala ng mga tanggapan ng pamahalaan sa ilalim ng mga Amerikano, una’y ng military at sumunod, mga administrasdor na sibilyan. Ang tuwirang pakinabang rito ni Dr. Paredes ay ang edukasyon. Itinatag ng mga Amerikano ang sistema ng edukasyong unibersal sa Pilipinas, at kasama riyan ang lalawigan ng Cavite. Sa imus, si Dr. Paredes ay nakapag-aral sa mababang paaralan, saka ipinadala siya sa Cavite Puerto para ipagpatuloy ang pag-aaral. Sumunod, ipinadala siya sa Liceo de Manila. Nagtapos si Dr. Paredes bilang balediktoryan sa intermediate course. Marahil, sa panahong ito nagsimula ang pagkahilig niya sa tula. Walang naiwang mga maagang tula ang ating kabataang makata—matagal linangin ang tiwala sa sarili ng malikhaing manunulat. Karaniwang bunsod ang tiwalang iyon ng paghanga, ng pagpuri, at ng paligid sa rurok ng imahinasyon. Noong 1913, inilathala niya sa La Vanguardia ang tula niya sa Ingles, ang Love na inihandog niya sa mga kabataang binibini ng kanyang tinubuang Imus. Ang kabuuan marahil ng tiwalang iyon sa pagkamakasining ay nagkaroon na ng tiyak na hubog noong Disyembre 30, 1914 nang manalo sa isang timpalak-panulat sa Sampaloc si Dr. Paredes. Ika-11 taon ng pagkabaril ni Rizal sa Luneta—isang okasyong dinakila ng kabataang Paredes kay Dr. Jose Rizal na naglaan ng buhay “upang sumilang ang unang Liwanag sa kanyang Bayan.” (Reminiscences, P.29) Mula noon, nagkasunud-sunod na ang paglikha ng tula ni Dr. Paredes at naging masipag din siya ng paglalathala ng mga iyon. Lumilitaw na una muna siyang tumula sa Ingles, bago sa Tagalog at saka pa lamang sa Kastila. Yaon kaya’y bunga rin ng tiwala sa sarili dahil sa panahon niyang iyon namulaklak ang panulat sa Kastila? Nalathala na noong panahong iyon ang Bajo los cocoteros (1911) ni Claro M. Recto, Crisalidas (1914) ni Fernando Ma. Guerrero, Aromas de ensueno (1915) st Arias de primavera (1915) ni Pacifico Victoriano at Electa (1915) ni A.V. Pica (Brown Heritage pp. 511-512). Marahil, ang pagtula niya sa tatlong wika ay pagtangka niyang makipagsabayan sa galing ng mga makata noong panahong iyon. Aktibo marahil sa sirkulo ng mga manunulat si Dr. Paredes pagkasampa niya ng ika-20 taon. Sa kanyang antolohiya ng mga tula (na may listahan sa hulihan), maiisip ang lawak ng kanyang pakikipag-ugnay sa mga publikasyon. Inilalathala ang kanyang mga tula dahil sa mga paksang pag-ibig sa bayan, dedikasyon sa isang minamahal, at buhay mismo, na kinakitaan ng kalaliman sa pag-iisip at imahinasyon, kahit sa murang gulang. Bukod sa mga tula, marahil ay sumulat din si Dr. Paredes sa mga ibang anyong pampanitikan (na hindi na rin nakaligtas sa dahas ng panahon). Sa likod ng kanyang librong Reminiscences ay nakaanunsyo ang paglalathala ng kanyang nobelang Mapalad. Wala ring naitagong kopya ng akdang ito. Dalawa ang uri ng mga manunulat noong panahong iyon, ayon sa pulitika nito. Ang una’y ang mga patulay na sumusulat laban sa mga Amerikano dahil sa tindi pa ng alab ng himagsikan (na kinain din ng establisyimemto pagkaraan); ang ikalawa’y ang mga tumugon sa hamon ng pagbabago—ang gawin ang kanilang makakaya na pasulungin ang kanilang bayan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga Amerikano.
Itutuloy
· Posted by admin
on May 18 2010 00:59:22 ·
0 Comments ·
131 Reads ·