Tagaytay City – arestado ang dalawang hinihinalang kidnaper matapos di umano’y dakpin ang dalawang bata kamakailan sa nasabing lungsod. Ayon sa report, ang dalawang bata ay ampon nina Romeo Joven, isang Filipino-American citizen at ni Bernard Lituania, live in partner ni Joven. Ayon sa impormasyong nakalap ng pulisya, dakong 7:50 ng umaga nitong nakaraang Biyernes ng kuhanin ni Lituania ang dalawang ampon nila ni Joven, kasama si Rex Alvarez na siyang itinuturong kasabwat ni Lituana. Ayon pa kay Senior Superintendent Primitivo Tabujara, Cavite police director, iniwang nakatali si Joven habang tangay-tangay ng dalawa ang mga bata na nasa dalawang taon pa lamang ang isa at ang isa naman ay nasa walong buwan pa lamang. Ngunit agad naman nakalas ni Joven ang pagkakatali sakanya at agarang nagtext sa kaibigan na siyang nagsumbong ng pangyayari sa mga pulis. Naaresto naman ang mga suspek sa Barangay San Isidro Bagong Nayon in Antipolo City, Rizal kasama ang dalawang bata na hindi naman naulat na nasaktan. Dagdag pa ni Tabujara, ang dalawang suspek ay nanghihingi ng P200,000 kay Joven kapalit ng dalawang bata. Sa kasalukuyan ay nasa Tagaytay City Police office na ang dalawang salarin at nahaharap sa kasong kidnapping at carnapping dahil na rin sa pagdala nito ng sasakyan ni Joven sa kanilang pagtakas.