CAVITE CITY — Daan-daang pamilya ang nawalan ng tahanan matapos tupukin ng apoy kamakailan sa nasabing lungsod.
Ang sunog ay tumagal ng dalawang oras na naganap sa Alonzo st. Badjao, Dalahican na kilala bilang squatters area, dakong 7:00 ng umaga. Ayon sa ulat ng Cavite City fire station, ang sunog ay nagmula sa isang napabayaang kalan habang nagluluto sa bahay ng residente na kinilala bilangsina Gil at Neneth, magka-live-in. Agad na rumesponde ang 20 fire trucks upang apulahin ang sunog, at dakong 9:14 ng umaga ng tuluyang mapatay ang sunog. Ayon pa sa ulat, mabilis kumalat ang apoy dahil sa malakas na hangin idagdag pa na halos gawa sa kahoy o karton ang mga bahay. Umabot naman sa 600 pamilya ang naapektuhan ng sunog at nawalan ng tahanan at 25 katao ang nasaktan, samatalang wala namang naiulat na nasawi sa pangyayari. Nagbigay naman ng paalala ang nasabing departamento na magkaroon ng dagdag na pag-iingat laban sa sunog lalo na ngayong panahon ng tag-init.