Isang malawakang pagtugis sa walong supek sa pagpatay ng isang businesswoman sa Cavite noong nakaraang taon ang isinasagawa sa ngayon ng National Bureau of Investigation na inulunsad kamakailan. Naglabas ng warrant of arrest si Executive Judge Aurelio Icasiano Jr., ng Trece Martires City Regional Trial Court Branch 29 sa mga suspek na hindi pinahihintulutang magpiyansa. Kinilala ang walong suspek na sina: Ma. Teresita Hernandez Solis at asawa nitong si Crisostomo, Ana Maria Pacumio Sortijas, Paulino de Guzman, Roberto Antero at Napoleon Abad kasama rin sina Jory Bendijo at Geronimo Riginding ng Rosario. Matatandaang pinagbabaril ng isang di nakikilalang suspek ang businesswoman na si Dulce Jansuy Amin nitong Hunyo 14, 2009 dakong 5:30 ng hapon habang sakay ng Honda CRV sa mismong harap ng kanilang tahanan sa Tanza na kasama ang dalawang anak, ngunit nang maglaon ay nakilala ang suspek na si De Guzman. Agad na ikinamatay ni Amin ang mga pagkakatama ng bala sa kanyang katawan. Samatalang nakatakas naman si De Guzman habang sakay ng motorsiklo na minamaneho ni Antero. Ayon sa imbestigasyon, napag-utusan lamang si De Guzman sa kapalit na halaga ng P120,000 ng isa sa mga kinikilalang suspek. Sinasabing ang maaaring motibo ng pagpatay ay dahil sa namagitang hidwaan sa mag-asawang Solis at kay Sortijas, nang sampahan ng kaso ng biktima ang dalawa dahil sa paglalabas ng talbog na cheke.