MALAKI ang posibilidad na magamit ang malawakang blackout sa dayaan sa nakatakdang halalan sa Mayo 10, 2010.
Ito ang reaksyon ng ilang political analysis sa bansa. Sinabi ng mga ito, na napapansin na ngayon pa lamang na kinokondisyon na ang utak ng mamamayan na magkakaroon ng malawakang blackout sa kabila ng paniniyak ng Department of Energy (DOE) na walang magaganap na blackout sa araw ng eleksyon. Ayon pa sa mga ito, ang pagpapahayag ng DOE ay kabaligtaran naman ng pahayag ng National Power Corporation (Napocor) na hindi na sapat ang suplay ng kuryente dahil sa mahabang El Niño. “Bagamat magkaiba ng pahayag ang dalawang ahensiya ito ng gobyerno, ito ay pagganap lamang sa kanilang papel para ikondisyon ang utak ng mamamayan.” ayon naman sa isang tumatakbong kongresista na ayaw magpakilala. “Tarabaho ng DOE na ikondisyon ang utak ng mamamayan na walang magaganap na dayaan dahil walang blackout, samantalang trabaho naman ng Napocor na ikondisyon ang utak natin na kung sakaling magkaroon man ng blackout ay nagpasabi na sila ahead of time.” Isang election officer (EO) naman sa lalawigan ng Cavite ang nagsabi sa Responde Cavite na tiniyak sa kanila ng Komisyon na tatlumpung porsiyento ng eleksyon ay gagamitan ng manwal na pagboto o balik sa dating sistema. Isinawalat pa nito, na bagamat ipinapakita sa publiko na nag-iimprenta ng mga bagong balota para sa automation elections, ay nag-iimprenta rin sila ng balota para sa manwal na election. Sa paliwanag ng komisyon, sinabi nito na ito ay paghahanda lamang sakaling magkaroon ng aberya sa mga makina ng Precint Counting Optimal Scan (PCOS), pero ang talagang gamit nito ay para sa mga lugar na mawawalan ng kuryente. Sinabi pa ng EO na isa lamang umanong pag-aaksaya ng salapi ng bayan ang ginawa ngayon ng gobyerno dahil dobleng balota ang iniimprenta. Ayon pa dito, hindi man aniya maganap sa Metro Manila ang malawakang blackout o sa mga karatig lalawigan nito, tiyak na may magaganap na blackout sa malayong lalawigan, lalo na sa parteng Mindanao. Kaya h’wag tayong magtataka kung sakaling hindi agad makapagproklama ng mga nanalong kandidato, lalo na senador o maging sa Pangulo dahil hindi pa tapos ang binangan o canvassing sa mga malalayong lugar dahil sa lumang sistema ng botohan.