Patay ang isang bagitong pulis na taga-Silang, Cavite matapos rumesponde sa isang kaguluhan kamakailan sa Brgy. Boot sa Tanauan City, Batangas.
Kinilala ang biktimang pulis na si PO1 Bren Sumadsad, nakatalaga sa Special Weapon and Tactics (SWAT) ng Tanauan City. Ayon sa impormasyon ng pulisya, nitong nakaraang Lunes ay nakatanggap sila ng isang text message patungkol sa grupo ng mga kalalakihan na nagpapaputok ng baril habang ang mga ito ay nag-iinuman ng alak sa nasabing barangay. Nang dumating na ang responde ng pulisya, kung saan kabilang si PO1 Sumadsad, ay nagtakbuhan na kaagad ang mga kalalakihan. Sinuyod naman ng SWAT team mga bahay, at habang isinasagawa nila ang pagtugis ay may nagpaputok at tinamaan sa kanyang likod si PO1 Sumadsad. Naisugod pa sa CP Reyes Hospital si PO1 Sumadsad ngunit agad ring idineklara itong patay. Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan sina: Pedro de Chavez, Erwin de Chavez, Erickson De Chavez, Erish Glen De Chavez at Ronald Barrion na pinaghihinalaang nasa pangyayari.