Pagsasagawa ng rally sa pampublikong plaza hindi pinayagan
Erap, dismayado sa Imus
Imus, Cavite- Dismayado si dating pangulong Joseph Ejercito Estrada dahil sa hindi sila pinayagan ng anak ni Cavite Gob. Ayong Maliksi na makapagsagawa ng rally ang kampo ni Erap na Pwersa ng Masang Pilipino (PMP). Sa impormasyon na nakalap ng Responde Cavite, dumiretso pa mula Bicol ang dating pangulo bilang bahagi ng kanyang pagkampanya sa Cavite. Kaya laking panghihinayang ng hindi mapagbigyan ang kanilang kahilingan na magsagawa ng rally sa mga pampublikong plaza sa Imus. Ayon sa mga tagasunod ni Erap nakiusap sila na kung hindi pwede sa mga pampublikong plaza ay hayaan na lamang daw silang magsagawa ng rally sa mga palengke. Gayunpaman, ay hindi pa rin ito umano pinayagan ni Maliksi sa hindi malaman na kadahilanan kaya nagtiyaga na lamang sila sa maliit na covered court sa Barangay Magdalo. Ayon naman sa dating pangulo ay wala daw siyang sama ng loob sa ginawang pagtanggi ni Mayor Maliksi na ipagamit sa kanya ang mga pampublikong palengke at Plaza ng Imus. “Ok lang, bahagi iyan ng politika” Binigyan na lamang niya ng konsuwelo ang mga tagasuporta na sumalubong sa dating pangulo sa kanyang motorcade. Noong 1998 Presidential Election ay itinuturin na balwarte ni Estrada dahil dito siya humakot na malaking boto noong mga panahon na iyon. Depensa naman ni Mayor Maliksi na hindi naman daw pormal na nagpaalam sa kanya ang mga staff ni Estrada. “Kung nakapagpaalam naman sila ng maayos sa akin bakit hindi ko sila pagbibigyan” ani ni Maliksi.