Magkasunod na binisita ni dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada ang dalawang pangunahing bayan sa Cavite (Imus noong ika-13 ng Marso at Alfonso noong ika-16, 2010) upang ibalita sa mga Caviteño ang kanyang plataporma de gobyerno sakaling muli syang mabigyan ng pagkakataon na makabalik sa Malacañang upang tapusin ang kanyang di umano’y iniwang pangako sa bayan.
Sa eksklusibong panayam ng RESPONDE CAVITE kay Estrada sa pagbisita nito sa Imus, sinabi nito na marapat lamang na sya ay bumalik sa Cavite, partikular sa Imus dahil dito nanggaling ang ugat ng kanyang lahi. Binanggit pa nito na isa ang Cavite sa uunahin nyang paunlarin dahil wika nito, ‘Charity begins at home.’ Itinaas ni Estrada ang kamay ng mga lokal na kandidato sa iba’t ibang bayan at syudad ng Cavite na tumatakbo sa ilalim ng kanyang partido na Pwersa ng Masang Pilipino sa pangunguna ni Trece Martirez City Mayor Jun de Sagun na tumatakbong Gobernador ng Cavite upang ipakita ang suporta sa isa’t isa sa darating na Pambansa at Lokal na Halalan 2010. Kasama ni Estrada ang ilan sa kanyang mga ka-ticket na senatoriables tulad nina Juan Ponce Enrile, Joey de Venecia, Mirriam Defensor Santiago at ka-tandem na si Makati City Mayor Jejomar Binay na tumatakbong Bise ni Estrada. Sa talumpati ni Erap, binanggit nito ang mga nagawa nyang pagbabago sa San Juan nang sya ay maging alkalde doon sa loob ng 17 taon sa kabila ng paghahamak ng iilang mayayaman sa kanyang kakayahan dahil sya ay isa lamang artista. Isinalaysay din ng Dating Pangulo ang mga nagawa nya para sa bayan noong sya ay naging Senador kabilang ang paninindigan laban sa Base Militar at ang pagsugpo ng krimen nang manalo sya bilang Vice-President ng bansa. Ipinagmalaki rin ng Ama ng San Juan na sa panahong siya ang Pangulo ng bansa, hindi umano pumipila ang mga Pilipino sa bigas, sinugpo ang rebeldeng Abu Sayaf at hindi pinahintulutang magtaas ng singil sa tubig. Dagdag pa ni Estrada, para sa mahihirap ang kanyang mga programa at proyekto kung kayat nasagasaan ang interes ng ilang mga mayayaman at maimpluwensyang taong gobyerno na nagresulta na pinagkaisahan sya ng mga ito upang mapatalsik sa pwesto. Handa di umano syang ipaglaban ang kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanya ng milyon-milyong Pilipino ngunit nang makita nyang maraming masang Pilipino ang masasaktan, nagkusang loob na syang iwan ang Malacañang. Inilahad din ng napatalsik na Pangulo ang pagtatangka ng ilang kalaban na sya’y suhulan na mangibang bansa na maari nyang dalhin sinuman at anumang kanyang ibigin upang hindi na sya masampahan ng kaso. Ngunit, tinanggihan nya di umano ang mga ito at nagsabing haharapin ang anumang kasong isasampa sa kanya dahil sa pagkakaalam nya di umano ay wala syang kasalan. Kayat nang sya ay nakalaya sa bisa ng absolute pardon, isinumpa nya di umano na babalik sya sa Malacañang upang hanguin ang bansa sa kahirapan at tuparin ang nabiting pangako sa masang Pilipino at harapin ang kanyang last performance of his life. DINAGSA ng libu-libong tao, partikular ng mamamayan ng Rosario ang isinagawang kampanya ng Nacionalista Party (NP) sa bayan ng Rosario. Sinalubong ni Rosario Mayor Jose ‘Nonong’ Ricafrente, Jr., at Vice Mayor Jose Rozel ‘Jhing-jhing’ Hernandez sina NP Presidential at Vice Presidential bet Manny Villar at Loren Legarda at mga senatoriables na sina Atty. Adel Tamano, Monching Mitra, Gilbert Remulla, Gwen Pimentel at Susan Ople. Nagsimula ang pagdalaw ng grupo ni Villar sa Gen. Trias, tumuloy ng bayan ng Noveleta at nagtapos sa Rosario kung saan isinagawa ang programa. Sinamahan nina Magdalo governatorial at vice governatorial Jonvic Remulla at Bimbo Bautista ang nasabing pangangampanya ni Villar sa Cavite sa pangunguna ni Magdalo Chairman Cong. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla. Ang bayan ng Rosario ang naging sentro ng kampanya kung saan idinaos ang programa ng NP. Hindi magkamayaw ang tao at siksikan sa plaza sa pagpanik sa entablado ni Mayor Ricafrente at Vice Mayor Hernandez. Sa pambungad na pananalita ni Ricafrente, buong pagmamalaki nitong ipinakita kay Villar ang magandang bayan ng Rosario at ang suportang ibibigay nito sa tambalang Villar-Loren. Sinabi nito kay Villar na kung nagawa ng bayan ng Rosario na ihatid sa munisipyo ang tambalang Nonong-Jhing-jhing ay malaki rin ang maitutulong ng bayan ng Rosario para maihatid sa Malakanyang si Villar. Ipinangako din ni Nonong sa tambalang Villar-Loren na kung anong boto ang makukuha ng kanilang tambalan ni Hernandez ay siya ring boto ang makukuha nila. Sa talumpati naman ni Villar, sinabi nito na kung ngayon ay siya ang dumalaw sa Rosario, at kung mapapagtagumpayan niya ang karera sa pagkapangulo, ay taga-Rosario naman ang dapat dumalaw sa Malakanyang. Ipinahayag naman ni Legarda ang kanyang mga naging karanasan bilang senador at sa pagtulong sa pagsagip sa ilang mga kidnap victim ng mga terorista. Sinabi rin nito ang kanyang pagmamahal sa kalikasan. At ang kanyang mga plataporma sakaling maluklok siya sa posisyong aniyang ipinagkaiit sa kanya noong nakaraang pampanguluhang halalan. Nagpahayag naman ng kani-kanilang plataporma ang bawat senador at nakisaya sa mamamayan ng Rosario. Lumakas ang tilian nang mag-alay ng awitin sina Gilbert Remulla at Adel Tamano at kumuha ng mga partner at ka-duet mula sa audience. Sinuportahan din nina Cavite City NP-Magdalo Mayoralty at Vice Mayoralty Tim Encarnacion, Jr at Dr. Lilo Barron, Noveleta NP-Magdalo Mayoralty at Vice Mayoralty Boy Alvarez at Eric Garcia at konsehal ng mga ito ang pagdalaw ng grupo ni Villar. Gayundin sina 1st District running for Board Member Dino Chua at Onie Arañas. Buong puwersa ding nagpakita ng suporta ang mga konsehal ng Rosario na sina Val Arañas, Bong Cuello, Pompie Enriquez, Cris Go, Raul Hernandez, Mao Luna, Voltaire Ricafrente at Pio Vivo sa nasabing programa. Nagpasalamat naman si NP Provincial Coordinator Nomar Santos kina Mayor Nonong Ricafrente at Jhing-jhing Hernandez at sa mamamayan ng Rosario sa mainit na pagtanggap nito sa Nacionalista Party.