CAVITE YOUNG WRITERS, NANAWAGAN PARA SA ADYENDANG PANGKULTURA
Kapag nahalal, dapat nang pag-ukulan ng pansin ng mga kandidatong tumatakbo sa eleksyon ngayong Mayo 10 ang isang ad-yendang pangkultura’t pangkasaysayan para sa lalawigan ng Cavite. Ito ang panawagan ng Cavite Young Writers Association, Inc. (CYWA) sa isang miting ng bagong pamunuan nito kamakailan.
“Pangangailangan na ng Cavite ang isang pinag-isang programa para sa preserbasyon ng kasaysayan, pananaliksik sa panitikan at sining, gayundin sa iba pang aspekto ng kultura na tulad ng pagkain, kaugalian, kapaniwalaan, relihiyon, mga ritwal at pagdiriwang tulad ng kapistahan,” pahayag nila sa isang press release na ipinadala sa Responde Cavite.
Binanggit ng CYWA na kahit na may Cavite Historical Society na itinatag nina Dr. Paulo Campos at dating Prime Minister Cesar Virata, gayundin ng ilang kapisanang pangkasaysayan sa mga bayan ng Cavite, kulang sa human resources ang mga iyon para isabalikat pa ang pangkulturang gawain sa lalawigan.
Ginunita ng CYWA na pinasimulan ni Gobernador Erineo “Ayong” Maliksi ang popularisasyon ng “Paskuhan” sa Imus, ang bayang nakilala dahil sa timpalak ng pagandahan at pailawan ng mga parol tuwing Pasko. Isang matandang Nueva Ecijano ang sinabi nilang humanga sa Imus dahil nakapasyal sa Imus noon at nagsabing “ngayon lamang ako nakasaksi ng nagliliwanag sa gandang mga barangay sa isang bayan.”
Tumatakbong congressman sa tanging distrito ng Imus si Gobernador Maliksi ngayong eleksyon.
Sa panig naman ni Senador Richard “Dick” Gordon, presidential candidate ng partidong Bagumbayan, nagpagawa naman siya ng Lights and Action Museum sa bayan din ng Imus na nagpapakita ng makasaysayang pakikibaka ng mga bayani ng lalawigan laban sa pamahalaang Kastila sa Pilipinas.
Sinabi pa ng CYWA na may mga unang hakbang nang nagawa ang Cavite Historical Society, na gumastos sa pagpapalimbag ng mga aklat tungkol sa kasaysayan ng mga bayan sa lalawigan. Sinulat ng Cavite Studies Center ng De La Salle University-Dasmariñas sa pangunguna ng dating direktor nitong si Dr. Emmanuel Calairo ang kasaysayan ng mga bayan ng Silang, Tanza, Kawit, Noveleta, Naic at Ternate. Nitong huli, lumabas na rin ang coffee table book na IMUS ng Imus Historical Society na sinulat ni Roberto “Oby” Castaneda, ang taong nagsabote ng Roberto’s Wine na ipinagbibili ngayon sa Pilipinas at sa ibang mga bansa.
Gayundin, nasimulan na ang riserts sa panitikan sa Cavite nang sulatin ni Dr. Efren Abueg ang isang aklat tungkol sa mga nangaunang manunulat ng Cavite tulad nina Tomas Tirona, Carlos Ronquillo, Diego Mojica, Lorenzo Paredes at Alejandro Abadilla. Sa kasalukuyan, inaasahang malalathala na rin bago mag-eleksyon ang antolohiya ng mga akda ng mga kabataang manunulat ng Cavite sa Ingles at Tagalog, ang TANGWAY AT TAGAYTAY.
Iminungkahi ng CYWA na magpasa ang sangguniang panlalawigan, gayundin ng mga bayan ng mga ordenansang nagpopondo sa mga pagsisikap at gawaing pangkultura at pangkasaysayan. Dagdag pa nila, kung may inaaprobahang badyet tungkol sa kultura, ginagastos lamang ito sa pagsusulong ng turismo.
“Iba dapat ang badyet sa turismo at sa mga gawaing pangkultura,” pahayag pa ng CYWA.
Pahabol nilang dapat rebyuhin ang Local Government Code para malinawan ang papel ng mga lalawigan at bayan sa pagpapaunlad at pagsusulong ng kultura’t kasaysayan. Ang National Commission for the Arts and Culture (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP) ay “halos di nadarama sa lalawigan” ng mga NGO na tulad ng Cavite Young Writers Association.
Ang mga bagong opisyal ng Cavite Young Writers ay sina Rafael Coronado (Pangulo), Jalil Marvin (Pang. Pangulo-Internal), Karl Orit (Pang. Pangulo-External), Maria Junilla Celoy (Secretary General), Arvin Sto. Domingo (Ingat-yaman) at Sharmaine Dinaguit (PRO). Nasa Board of Director sina Aidel Belamide (tagapangulo), Ayn dela Cruz, Patrick Quintos at Lester Dimaranan (mga kagawad).
Magiging adviser na ng CYWA si Ronald Verso, dating pangulo.
Ibang mga balita...
Mga Artikulo...
|