Idineklara kamakailan ng Armed Forces of the Philippines ang lalawigan ng Cavite bilang insurgency free o malaya sa anumang uri ng rebelyon. Ito ay bilang pagtugon ng nasabing ahensiya ng gobyerno sa palugit ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na dapat ng tapusin ang problema ng bansa sa communist insurgency bago pa matapos ang kaniyang termino. Pinangunahan ni Army’s 2nd Infantry Division Chief Major General Jorge Segovia ang paglipat ng Internal Security Operations (ISO) sa pamahalaang panlalawigan ng Cavite sa namumuno nitong si Gob. Ireneo “Ayong” Maliksi. Sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan nina Segovia at Maliksi sa kapitolyo ng lalawigan ng Trece Martirez City nakasaad na insurgency free na ang nabanggit na lalawigan kaya isinasalin na sa pamahalaang lokal ang responsibilidad sa ISO. Ayon rin kay Army’s 2nd Infantry Division Spokesman Col. Noel Detoyato, responsibilidad na ng pamahalaang lokal ang pagpapanatili ng katahimikan at pagtiyak na ligtas mula sa banta ng kaguluhan ang buong lalawigan ng Cavite.