Labintatlong Martir ng Cavite
Ang labintatlong martir ay makabayan ng Cavite, sila ay pinapatay ng mga sundalong Kastila noong Setyembre 11, 1896 dahil sa pakikipagtulungan sa mga Katipunanero sa panahon ng pakikipagrebolusyon ng Pilipinas laban sa Espanya. Ang bayan ng Trece Martires ay ipinangalan sa kanila.
Ang mga Martir ay ang mga sumusunod:
* Luis Aguado siya ay anak ng Kapitan ng barko ng mga Kastila. Naging pinuno siya sa pagsusuplay ng mga armas sa Fort San Felipe sa Cavite na ngayon ay tinatawag na Cavite City. Kinasal siya kay Felisa Osorio, kapatid ni Francisco Osorio at panganay na anak na babae ni Antonio Osorio, isang Tsino na tinaguriang pinakamayaman sa lungsod ng Cavite sa kanyang panahon. Nang mabiyuda ang kanyang asawa siya ay nagpakasal kay Daniel Tirona. * Eugenio Cabezas, ipinanganak noong 1855 sa Santa Cruz, Maynila na isang panday na gumagawa ng mga armas para sa mga Katipunero. Si Eugenio ay kinasal kay Luisa Antonio ng Cavite, sila ay nagkaroon ng pitong anak. Siya ay nagmamay-ari ng tindahan ng mga alahas at pagawaan ng relo sa Calle Real na ngayon ay kilala sa tawag na Trece Martires sa Cavite at dito sila nagsasagawa ng pagpupulong ng Katipunan.
* Feliciano Cabuco, ipinanganak noong Hunyo 9, 1865 sa Caridad, Cavite Puerto. Bagama’t mayaman ang nakagisnan na pamilya. Siya ay nagtrabaho sa ospital. May asawa na si Marcela Bernal ng Caridad at may dalawang anak.
* Agapito Conchu, ipinanganak noong 1862 tubong Binondo, Maynila na sa kalaunan ay nagpasiya na manirahan sa Cavite. Naging titser sa paaralan, musikero, retratista, pintor at lithographer.
* Alfonso de Ocampo, ipinanganak noong 1860 sa Cavite. Isang Kastilang mestiso, na isang sarhento ng mga Kastila na hinirang na maging katuwang na tagapangasiwa ng bilangguan. Isang katipunero, kinasal kay Ana Espiritu at may dalawang anak.
* Máximo Gregorio, ipinanganak noong Nobyembre 18, 1856 sa Pasay, Morong siya ay nahirang na sumapi sa hukbo ng mga Kastila noong siya ay nag-aaral pa sa Colegio de San Juan de Letran. Pagkatapos na makapag-ensayo sa San Antonio, Cavite siya ay napabilang sa 72 hukbo at ipinadala sa Jolo, Sulu upang lumaban sa mga Muslim. Sa muling pagbabalik niya galing sa Mindanao siya ay hinirang na maging eskribiyente sa Comisaria de Guerra sa Cavite na kung saan ay nanungkulan siya ng 20 taon. Sumapi siya sa Katipunan noong 1892. Siya ang nanguna sa dalawang magkaibang grupo ng Katipunan na pinangalanan na Marikit sa Barrio San Antonio, Cavite. At Lintik sa Barrio San Rafael, Cavite. Nang tanggapin niya sa Katipunan sina Severino Lapidario tagapangasiwa ng bilangguan, Feliciano Cabuco, Jose Lallana isang mananahi, Eugenio Cabezas taga-gawa ng relo at Eulogio Raymundo isang sastre. Siya ay kinasal kay Celedonia Santiago at may apat na anak.
* Máriano Inocencio, ipinanganak noong Nobyembre 18, 1833 sa Cavite. Pinakamatanda sa lahat ng mga Martir. Isa rin sa mga nagpasimula ng pag-aaklas ng mga Katipunero sa Cavite noong 1872, ipinadakip at ipinatapon sa Cartagena sa Espanya ng 10 taon. Sa kanyang pagbabalik ay nagsimula siya sa pagyaman sa pagkontrata ng paggawa ng mga imprastraktura, pagbuo ng mga barko, pagtrotroso at pakikipagpalitan ng kalakal. May asawa na si Narcisa Francisco at siyam na anak.
* José Lallana ay isinilang noong 1836 sa Cavite, isang sastre na kung saan ang kanyang pwesto ay ginagamit ng Katipunan upang magsagawa ng mga pagpupulong. Ikinasal kay Benita Tapawan na taga-Imus, may dalawang anak na sina Clara at Ramon. Si Ramon sumapi sa pag-aaklas ng Katipunan upang humanap ng hustisya sa namatay niyang ama, hindi na siya nakabalik pa at sinasabing siya ay namatay na lumalaban.
* Severino Lapidario, isinilang noong Enero 8, 1847 sa Imus, Cavite. Isang kabo sa hukbong-dagat ng mga Kastila, idinawit siya sa pag-aalsa ng mga Katipunero sa Cavite noong 1872. Hindi nagtagal ay nabawi niyang muli ang tiwala ng mga awtoridad Kastila at hinirang siya na tagapangasiwa ng bilangguan sa Lungsod ng Cavite noong 1890.
* Victoriano Luciano ipinanganak noong Marso 23, 1863, isang parmasiyutiko at lihim na kasapi ng Katipunan. Nakilala siya sa larangan ng paggawa ng mga pabango at losyon. Miyembro ng samahang Colegio de Farmaceuticos de Manila. Nag-aral sa Colegio de San Juan de Letran at sa Unibersidad ng Santo Tomas. May-ari ng isang botika, ang Botica Luciano sa Real Street na ngayon ay kilala sa Trece Martires Avenue sa Cavite na isa rin sa pinagdadausan ng pagpupulong ng Katipunan.
* Francisco Osorio isinilang noong 1860, likas na mayaman ang kaniyang pamilya at kilala sa Cavite. Konti lamang ang nakakakilala sa kanya, isang parmasiyutiko. Hindi siya kabilang sa mga Katipunero.
* Hugo Pérez isinilang taong 1856 sa Binondo, Maynila. Siya ay isang mangagamot. Kakaunti lamang ang impormasyon tungkol sa kanya. Siya ay lihim na kasapi sa Katipunan.
* Antonio San Agustín ay ipinanganak noong Marso 8, 1860 sa San Roque, Cavite. Lumaki sa mayamang pamilya. Nag-aral sa Colegio de San Juan de Letran at Unibersidad ng Santo Tomas. Pinakasalan niya si Juliana Reyes, siya lamang ang may-ari ng kaisa-isang tindahan ng libro sa Bayan ng La Aurora. Na lihim din pinagdarausan ng pagpupulong ng Katipunan.
Ang pag-aaklas sa Cavite
Hindi nagtagal ang Katipunan ay unti-unting nadidiskubre ng mga Kastila. Nang magplano si Gen. Emilio Aguinaldo ng paglusob sa kampo ng mga Kastila sa Fort San Felipe. Isinama niya ang mga bagong patalang mga kasapi sa Katipunan upang mapunan ang kakulangan sa mga tao upang malupig ang mga Kastila. Nagkaroon pa sila ng pagpaplano na ginanap sa bahay ni Cabuco.
Si Aguinaldo at ang iba pang mga Katipunero ay nagkasundo na bibigyan nila ng mga armas ang mga bilanggo sa bilangguan na dating nagtatrabaho sa himpilan ng mga Kastila. Ang misyon ay gawing kasapi ang mga bilanggo na ibibigay ni Lapidario na siya ring nangangasiwa sa bilangguan. Si Aguado naman ang nagbibigay ng pera kay Lapidario upang gamitin na pambili ng mga armas.
Sang-ayon sa plano, ang tanda ay ang mga paputok na manggagaling sa bodega ni Inocencio. Ito na ang simula na nang himagsikan. Ang ibang mga lider maghihimagsik ay sina Luciano, Conchu, Perez, Pablo Jose, Marcos Jose at Juan Cantañeda. Ang sagupaan ay nagsimula noong Setyembre 1.
Noong Agosto 26, ay nakatanggap ng isang liham si Aguinaldo mula kay Andres Bonifacio na may pagtitipon na magaganap sa Balintawak, Agosto 24 na naglalaman na simulan na ang rebolusyon sa Agosto 30 na ang magiging hudyat ay ang blackout sa Bagumbayan na ngayon ay mas kilala sa tawag na Luneta. Sa napagkasunduan na araw, si Bonifacio at ang kanyang mga tauhan na ay nilusob ang kuta ng mga Kastila sa San Juan. Noong araw din na yaon ay nagdeklara ng martial law ang mga Kastila sa Maynila, Laguna, Batangas, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija at ilang mga bayan sa Cavite.
Nalaman ni Aguinaldo ang deklarasyon ng martial law nang magkaroon siya ng pagkakataon na pulungin si Gobernador Fernando Pargas, umaga noong Agosto 31, 1896. Dali-dali siyang pumunta kay Lapidario upang muling magplano para sa paghihimagsik.
Si Cabezas nang panahon na iyon ay hindi boto sa paghihimagsik sa petsa na Agosto 31, 1896, kaya pinagpaliban muna nila ito at nagdesisyon na sa Setyembre 3 na lamang ituloy. Nalaman ng mga Kastila ang plano nila Aguinaldo sa pamamagitan ng mananahi ng damit na si Victoriana Sayat at kaagad na pinaaresto sina Lapidario, de Ocampo at Aguado. Ang tatlo ay nanatiling bihag sa barko Ulloa at iniimbestigahan. At sinasabing pinahirapan bago patayin.
Si De Ocampo ay umamin at ibinigay ang mga pangalan ng kanyang mga kasama at labingtatlo sa mga pinaghihinalaan ay dinakip noong Setyembre 3 kasama ang labingdalawang ibang pang namumuno ng pag-aalsa sa Cavite, kasama sina Julian Felipe, na kumatha ng Lupang Hinirang nang sumunod na taon. Si Felipe ay nakulong ng siyam na buwan sa Fort San Felipe. At kasabay niyang pinalaya sina Pablo, Marcos Jose at Juan Castañeda ng Imus, na pinaniniwalaan na kasabwat sa paghihimagsik.
Samantalang si De Ocampo ay nilitis ng korte na napag-alaman na guilty at sinubukan pa nito na magpatiwakal sa pamamagitan ng paglalaslas ng kanyang tiyan gamit ang isang piraso ng basag na salamin. Kinasuhan siya na pagtataksil sa korte.
Nang sumunod na araw alas-12:45 ng tanghali ay inilabas labingtatlong martir sa kanilang mga kulungan upang dalhin sa Plaza de Armas, nasa labas ng Fort San Felipe at hinatulan na bitay sa pamamagitan ng pagbaril. Ang kanilang mga bangkay ay nilibing sa Catholic Cemetery sa Nayon ng Caridad.
Natuklasan din ang pito bangkay ng mga martir na sina Maximo Inocencio, Victorino Luciano, Fancisco Osorio, Luis Aguado, Hugo Perez, Jose Lallana at Antonio San Agustin na hinukay ang mga labi at muling inilibing sa ibang dako. Ngunit ang iba na sina Agapito Conchu, Maximo Gregorio, Alfonso de Ocampo, Eugenio Cabezas, Feliciano Cabuco at Severino Lapidario ay nanatiling sa kanilang mga libingan.
Noong taong 1906, ang monumento ng labingtatlong martir ay ginawa at inilagay sa kanilang lugar na kung saan sila binitay. Ang lugar na kung saan sila binitay ay ipinangalan na Trece Martires na ang ibig sabihin ay “Ang Labingtatlong Martir” sa kanilang kadakilaan at ang labingtatlong nayon ay ipinangalan sa bawat isang martir.
NI JOSEPH MAGNO
Ibang mga balita...
Mga Artikulo...
|