Bacoor, Cavite – Patay ang lider ng isang campaign group matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin kamakailan sa nasabing bayan.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jose Eusebio, 54, lider ng campaign group na sumusuporta sa Nacionalista Party mayoralty candidate at dating alkalde ng Bacoor Jessie Castillo. Ayon kay Senior Superintendent Primitivo Tabujara, Cavite police director, naglalakad si Eusebio sa Barangay (Village) Niog 1 dakong 11:00 ng gabi nitong nakaraang Sabado, nang makasalubong niya ang suspek. Nagkaroon di umano ng di pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawa na nagresulta sa pagbaril ng suspek kay Eusebio ng apat na beses. Naisugod pa sa ospital si Eusebio ngunit di nagtagal ay nawalan din ng buhay. Samantala, tumakas naman ang suspek sakay ng pedikab matapos ang pangyayari. Ayon sa pulisya, maaring pulitika ang dahilan ng pagpatay kay Eusebio ngunit hindi sarado ang imbestigasyon sa iba pang anggulo ng pagpatay sa biktima. Ayon naman kay, Supt. Ramil Montilla, Bacoor police chief, minsan ng nasangkot si Eusebio sa kasong frustrated murder at nabigyan ng arrest warrant. Samantala, dahil sa mga sunud-sunod na kaso ng pag-gamit ng baril sa Bacoor ay hiniling ni Cavite first district Congressman Joseph Emilio “Jun” Abaya sa Comelec na ideklarang hot spot ang nasabing lugar.