NEWBIES BOTANTE
Ba’t di niyo sinabi na hindi pala ganun kadali ang pagboto?
Para sa katulad kong baguhan sa pagboto, marahil ay maituturing na kaabang-abang ang Mayo dahil sa wakas ay mabibilang na ang boto ko. Magagamit ko na ang karapatan ko dito sa demokratikong bansa na ‘to.
Siguro nga’y swerte kaming mga perstaym na botante dahil kami ang unang batch na makakaeksperyens ng automation voting: bagong sistema na hindi ko sigurado kung nakahanda na nga ba ang Comelec sa mga nakaambang aberya o maging sa simpleng proseso ng pag-organisa ng mga taong magsisispagboto. Lagi naman kasi na sa tuwing dumadating ang eleksyon, nakikita at naririnig ko sa mga balita sa dyaryo at tv ang mga aberyang nagaganap sa bawat presinto kung saan bumuboto ang mamamayan. Malamang mas malala ngayon dahil bago nga ang sistema. Hah! Kabilang pa naman ako sa mga taong matatawag na maiksi ang pasensya. Pero hindi naman yun ang pinoproblema ko.
Bilang isang bagong botante syempre, hawak-hawak ko ang prinsipyo na kailangan karapatdapat talaga ang mga taong iboboto ko, dapat yung d’best! Sabi nila, dapat kilalanin mo muna ang taong iboboto mo mula sa pinaka mababang posisyon hanggang sa pinaka mataas. Pero paano ko magagawa yun kung lagi namang nakamaskara ang mga pulitikong ito? Palaging nakatago ang tunay na anyo sa likod ng mga ngiti at matatamis na pangako. Sa pamamagitan ba ng mga proyektong nagawa ng mga ito ko sila makikilala o dapat akong tumira ng ilang araw sa malalaking bahay o condo nila para lang makilala ko ang tunay na pagkatao ng mga ito?
Minsan naglalaban din ang isip ko kung dapat bang iboto ang mga kandidatong nagsasabing kakampi nila ang mahirap, e samantalang naglalakihan ang mga muka nila sa kung saan-saang kalye, isama mo pa ang tv. Sa radio naman halos maturete ka na sa paulit-ulit na pagbigkas ng kanikanilang pangalan. Para sa akin, nagmumuka silang damak na maangkin ang pwestong tinatakbuhan nila, sa mas maiksing salita “PG” patay-gutom sa kapangyarihan. Nakakairita!
E paano nga kung wala akong mapiling karapatdapat? Kailangan ba pumili pa rin ako ng pangalan sa mga tumatakbong kandidato? Kailangan ba 12 na senador ang mapili ko, kung ang sa tingin ko naman e apat lang ang karapatdapat kong iboto bilang senador? Paano kung lahat ng tumatakbo sa pagkagobernador e wala namang maipagmamalaking nagawa? Kailan pa rin bang pumili ako sakanila kasi sayang naman kung iiwan kong blangko ang kategoryan ito. Paano kung walang kalaban ang tumatakbong kandidato pero hindi mo naman siya gustong manalo? Iboto mo man siya o hindi..siya pa rin ang mananalo.
Maituturing na mas madali pa ang midterm at final exam namin kesa sa pagboto. Kasi sa exam sa school pwede akong manghula pagwalang maisagot, pedeng magmini-minimaynimo kapag nagdadalawang isip, at higit sa lahat ako lang at tanging grade ko lang ang maaapektuhan kung sakaling may mali sa mga sinagot ko sa exam.
Gayunpaman ang pagboto ang isang uri ng exam na kahit hindi ganun kadaling sagutan, ay hindi ko hahayaang maging exempted ako.
NI SHELLA SALUD
Ibang mga balita...
Mga Artikulo...
|