Villanueva at Aquino, dikit ang laban sa unang resulta ng HK Polls
Sina religious leader Bro. Eduardo “Eddie” Villanueva ng Bangon Pilipinas Party (BP) at Senator Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III ng Liberal Party (LP) ang mahigpit at malapit na nagtutunggali sa pagka-Pangulo sa inilabas na early result ng 2010 overseas absentee voting (OAV) sa HongKong para sa pambansang halalan sa Pilipinas.
Sa resulta ng exit polls na isinagawa ng isang local news paper na The Sun noong unang linggo ng botohan noong nakarang April 11 na nagresulta ng kabuuang botong 2,901 ay naipakitang si Bro. Eddie Villanueva (BP) ang lumamang ng 396 votes or 36.13% laban sa katunggaling humahabol na si Noynoy Aquino na nakakuha naman ng 392 votes or 35.7%.
Samantala ang pambato naman ng Nacionalista Party na si Manny Villar ay pumangatlo na nagkamit ng 204 votes or 18.6% at ang mga sumunod na presidentiables ay nakakuha lamang ng malayong agwat ng mga boto gaya ng mga sumusunod: Joseph Estrada (PMP) 34 votes, Gibo Teodoro (LAKAS-CMD-KAMPI) 26 votes, Richard Gordon (BAGUMBAYAN) 22 votes at Jamby Madrigal (Independent) 2 votes. Samantala sina JC de los Reyes (AKP) at Nicanor Perlas (Independent) ay hindi pa nakakuha ng anumang boto.
Sa pagkabise-alkalde naman ay napakahigpit at napakalapit ng laban sapagkat bagaman at nangunguna si Mar Roxas (LP) 326 votes or 30.2% ay lumamang lamang siya ng isang boto kay Atty. Jun Yasay (BP) na nakakuha naman ng 325 votes or 29%. Pumangatlo naman si Loren Legarda (NP) 198 votes or 18%.
Pinaniniwalaang ang maagang pagboto ng mga kasapi ni Bro. Eddie Villanueva sa kanyang ministeryong Jesus Is Lord (JIL) Church HongKong Chapter ang naging dahilan kung kaya siya at ang mga kapartido nito sa Bangon Pilipinas Party (BP) ang mga nanguna sa naunang resulta ng halalan sa HongKong.
Sa pagka-Senador naman ay nanguna si Cong. Satur Ocampo ng BAYAN MUNA 248 votes, pumangalawa si Cong. Liza Maza ng GABRIELA 221 votes na pawang mga taga Nacionalista Party (NP). Ang lima namang sumunod ay pawang mga taga Bangon Pilipinas Party (BP) muli: former ABS CBN 2 broadcaster Kata Inocencio 215 votes, Seventh Day Adventist Church leader Dr. Israel Virgines 180 votes, former MNLF Commander Zafrullah Alonto 179 votes, NBN-ZTE scam star witness lawyer Atty. Rey Princesa 178 votes at GMA 7 broadcaster Alex Tinsay 177 votes.
Pangwalo naman si Bongbong Marcos (NP) 173 votes at nag-tie naman sina Jinggoy Estrada (PMP) at former MILF Commander Adz Nikabulin (BP) sa botong tig-167. At para makumpleto ang top 12 senatorial race ay pasok sina Bong Revilla 163 votes at Franklin Drilon (LP) na mayroong 159 votes.
Sa partylist naman ay naguna ang GABRIELA sa botong 257 habang ang CIBAC na kaalyado ng Bangon Pilipinas Party (BP) ni Bro. Eddie Villanueva ay pumangalawa sa botong 180. Bagaman at pumangatlo ay malayo pa rin ang boto na nakuha ng AGHAM sa botong 54 lamang.
Inaasahang mababago pa ang mga resultang ito lalo at ilang araw pa o isang linggo na lamang ay dadagsain pa ng marami nating kababayang OFW’s sa HongKong ang magsisipagbotohan bago magtapos ang eleksyon sa Mayo 10, 2010.
Ni Rex del Rosario
Ibang mga balita...
Mga Artikulo...
|