Tanza, Cavite – Patay ang bodyguard ng isang kandidato sa pagkamayor matapos pagbabarilin sa nasabing bayan kamakailan.
Kinilala ang biktima na si Gilberto Hayayhay, edad 46, close-in bodyguard ni Simon Matro, tumatakbong mayor sa Tanza sa ilalim ng partidong Lakas-Kampi-CMD. Ayon sa impormasyon ng pulisya, nitong nakaraang Linggo dakong 9:46 ng gabi bago magsimula ang meeting de avance ni Matro sa Barangay Paradahan, bumili di umano ng maiinom si Hayayhay nang pagbabarilin ito ng tatlong beses ng di pa nakikilalang salarin. Hindi naman ikinakabit ng pulisya sa eleksyon ang nagyaring pagpatay. Ayon kay Superintendent Miguelito Descalzo, police chief ng Tanza, ito marahil ay dulot ng personal na galit kay Hayayhay at itinaon lamang sa eleksyon upang magmistulang may kinalaman sa eleksyon. Dagdag pa ni Descalzo, si Hayayhay ay minsan ng nasangkot sa kasong pagpatay noong nakaraang Nobyembre 2007 sa bayan din ng Tanza. Gayunpaman, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang totoong dahilan ng pagpatay sa biktima.