Bacoor, Cavite – Dalawang tauhan ng tumatakbong 2nd district congressman ang patay habang dalawa naman ang sugatan matapos di umanong makipagbarilan sa mga pulis ng nasabing bayan. Kinilala ang mga napatay na sina Sergeant Juanito Paraiso at retired Marine Colonel Arnulfo Obillos, kapwa tauhan ng tumatakbong Congressman na si Plaridel Abaya. Sugatan naman ang anak ni Obillos at isang pulis ng Bacoor. Ayon sa ulat ng hepe ng pulis na si Col. Montilla, 2:30 ng hapon nitong eleksyon nang pasukin ang kanilang istasyon ng ilang tauhan ni Abaya at hinostage di umano ang kanilang mga kasamahan, tinutukan ng baril at pilit binabawi ang mga patrol jeep ng mga pulis na may lamang armas. Nakiusap ang mga pulis sa mga tauhan ni Abaya ngunit hindi nagpapigil ang mga ito at dito na nagkaputukan. Agad namang dumating sa site si Dating Cavite Governor Ayong Maliksi na kapartido ni Abaya sa Liberal Party. Narekober din di umano sa sasakyan ni Abaya ang mga envelope na naglalaman ng P50 at P100 na sa kabuuan ay may halagang 1 milyung piso. Mariin namang itinaggi ni Abaya ang pagbili ng boto maging ang paratang na ang kampo nila ang nagpasimula ng gulo laban sa pulisya. Ayon sa Liberal Party, inambush di umano ang kanilang convoy habang papunta sila sa Bacoor PNP upang magsampa ng reklamo para sa mga tao nila na di umano’y dinampot dahil sa vote buying. Kasalukuyan namang iniimbestigahan na ng mga pulis ang mga Abaya maging ang mga pulis na sangkot sa barilan upang malaman na ang tunay na motibo sa likod ng pangyayari.